Inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nakakatanggap sila ng mga ulat na ang ilang ospital ay nagbibigay ng maling impormasyon o nagkakamali sa mga kaso na hindi coronavirus, upang makakuha ng mas mataas na bayad sa pasyente.
Ito ang ibinunyag ng pangulo ng PhilHealth at chief executive officer Ricardo Morales na nagbigay katiyakan na ang anti-fraud system ng PhilHealth ay patuloy na susubaybayan ang naturang mga kaso.
Marami aniyang mga ulat ngayon na ‘yung hindi COVID, ay iniuulat na COVID. “Kunwari naaksidente o na-istroke, nirereport na COVID. Marami tayong nakukuhang balita na ganyan,” sabi niya.
Aniya, isasampa ang mga reklamo laban sa nagkakamaling mga opisyal ng ospital ngunit nais ng PhilHealth na magpatuloy ang operasyon ng mga ospital dahil sa pangangailangan para sa healthcare facilities sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“’Yung mga propesyunal, ‘yung mga pumipirma ng mga diagnosis, physician, ‘yung mga tao, ‘yun ang hahabulin natin,” dagdag pa niya.
Una rito, sinabi ni Morales na iniimbestigahan ng PhilHealth ang may 20,000 kaso ng umano’y mapanlinlang na mga transaksyon na kinasasangkutan ng P4.5 bilyong pondo, habang ang kompanya ay hinahabol ng mga paratang ng korapsyon at nahaharap sa maraming imbestigasyon. ( Mina Aquino)