Hindi mapakaniwala si Senadora Leila de Lima sa desisyon ni Ombudsman Samuel Martires na limitahan ang pag-access ng statements of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon sa senadora, lubhang nakakabahala ang desisyon ni Martires na ipatigil ang pagsilip sa SALN at ang pagsagawa ng lifestyle check sa mga opisyales ng gobyerno.
“Unbelievable! This Ombudsman is undermining his own office,” pahayag ni De Lima.
“If Ombudsman Martires is averse to the disclosure of SALNs and lifestyle checks, how does he intend to fulfill his mandate?” dagdag pa nito.
Sabi ni De Lima, binaligtad umano ni Martires ang mandato ng Ombusman dahil imbes na protektahan nito ang sambayanan mula sa pandarambong ng mga opisyales, nais pa niyang protektahan ang mga opisyales mula sa transparency at accountability.
“Kung susundin ang takbo ng utak ni Martires. Para na ring idineklara ni Martires ang open season sa pagnakaw sa gobyerno,” ayon sa senadora. (Dindo Matining)