Binusisi ng Senate Committee on Finance nitong Lunes ang hirit na P1.61 bilyong budget ng Office of the Solicitor General (OSG) kung saan kinuwestiyon ng isang senador ang mga paglalaanan ng pondo.
Sa pagtatanong ni Sen. Francis Tolentino, inalam niya kung bakit mataas ang alokasyon ng OSG para sa travel at confidential funds, lalo na’t hindi pa rin makontrol sa bansa ang pandemya.
“Kasagsagan pa next year ng COVID-19. Saan naman kayo mag-fo-foreign travel? Ngayon, malaki pa hinihingi niyo. Hindi ko alam saan kayo magtra-travel,” ani Tolentino. Sa P21.49 milyong travel budget ng OSG, 87.75 porsiyento dito ay para sa foreign trips.
Tinanong din ni Tolentino kung bakit may confidential funds ang OSG, gayong wala naman sa mandato nito na magkaroon ng ganong klaseng pondo.
Sa ilalim kasi ng batas, ang confidential funds ay magagamit lamang sa mga programang may kinalaman sa national security at peace and order.
“I don’t see paano magkakaroon ng national security, and peace and order budget ang inyong office,” aniya.
Bigong dumalo si Solicitor General Jose Calida sa hearing dahil sa payo umano ng kaniyang doktor, at si Assistant Solicitor General Henry Angeles ang kumatawan sa kaniya.
Tinanong naman ni Tolentino kung bakit ang laki ng pasahod kay Calida kumpara sa mga dating SolGen.
“Bakit nangyari ito… Baka nag-increase ang budget ng SolGen (Office), tapos sa kaniya (Calida) lang napupunta? COA (Commission on Audit) has been asking you not to raise that to more than 50 percent [ng kaniyang sahod], and apparently the SolGen has defied that,” sabi ni Tolentino.
Binatikos din ni Tolentino kung bakit nakikisawsaw si Calida sa iba’t ibang preliminary investigations at iba pang fact-finding activities gayong hindi naman iyon ang mandato ng opisina na dapat kumakatawan sa pamahalaan.
“The government is spending for your expenditures for preliminary investigations, fact-finding activities which is outside your mandate… There should be no basis likewise for the expenditure,” giit ni Tolentino.
Dahil sa kabiguang masagot ang mga tanong ni Tolentino ay hindi na muna itinuloy ang pagdinig.